Iniulat ng Police Regional Office 5 o Philippine National Police (PNP) Bicol na aabot sa 22.7 million pesos na halaga ng ilegal na droga ang kanilang nakumpiska, habang nasa 124 na drug personalities ang kanilang naaresto sa 125 drug operations sa anim na lalawigan sa rehiyon nitong Marso.
Ayon kay PRO5 Spokesperson Lt. Col. Malu Calubaquib, ang mga nasabat na ilegal na droga ay binubuo ng nasa 204 na gramo ng marijuana at 3.3 kilo ng shabu.
Nasa 210 kaso ang inihain laban sa mga naarestong drug violators.
Ang lalawigan ng Sorsogon ang nakapagtala ng mataas na halaga ng drogang nasabat na aabot sa 14.4 million pesos, kasunod ang Naga City na nasa 2.6 million pesos, at Camarines Sur na nasa 2.4 million pesos.
Ang mga nakumpiskang droga at sunud-sunod na pag-aresto sa mga drug suspect ay nagpapatunay na seryoso ang PRO5 sa ilalim ng pamumuno ni Regional Director BGen. Andre Dizon sa pagsawata ng ilegal na droga sa rehiyon.
Kaugnay nito, iniulat din ang pag-aresto sa second most wanted individual sa rehiyon na si alyas “Ex” sa Barangay Langkaan, Dasmariñas, Cavite nitong Martes, Abril 2, 2024 at nasa kustodiya na ng pulisya.





