Nasawi ang 17 katao matapos salpukin ng isang dump truck ang isang pampasaherong van sa national highway, Antipas, North Cotabato nitong Lunes, Marso 25.
Ayon kay Antipas Chief of Police, PMajor Godofredo Tupad II, dalawa sa mga namatay ay pawang mga bata may edad 5 at 6.
16 sa mga biktima ang agad namatay sa lakas ng impak at matinding sunog, at tanging isa sa 18 pasahero ng van lamang ang nakaligtas.
Apat na indibiduwal naman ang nasugatan sa insidente.
Ang dump truck ay puno ng grava at buhangin na pagmamay-ari ng isang private contractor na patungo sa Antipas habang ang van naman ay papunta ng Kidapawan City.
Lumalabas sa imbestigasyon na nawalan ng kontrol ang dump truck at naokupa ang kabilang linya at tuluyang nasalpok ang van.
Nakaladkad pa ang van ng 50 metro hanggang sa makarating ang dalawang sasakyan sa isang mababaw na kanal.
Sumiklab ang sunog sa van matapos tumagas ang fuel tank nito.
Aminado ang driver ng truck na si Edwin Dumapias Nasiad na nakarinig siya ng malakas na putok bago siya nawalan ng kontrol sa minamanehong truck.
Kaya paalala ng mga awtoridad sa mga motorista na i-check palagi ang mga sasakyan kung roadworthy bago bumiyahe.





