LEGAZPI CITY – Itatalaga ang kabuoang nasa 17,784 personnel mula sa law enforcement agencies para tiyakin ang seguridad ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Bicol Region sa Lunes, Oktubre 30.
Ayon kay Police Regional Office 5 (PRO-5) Spokesperson Police Lt. Col. Malu Calubaquib, ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay mayroong 5,000 sundalo, ang Philippine Coast Guard (PCG) Bicol ay may 550 personnel, Bureau of Fire Protection (BFP) – Bicol ay may 2,234 at ang PRO-5 ay may 10,000 pulis na handang magbantay sa araw ng halalan.
Sa Bicol, 23 barangay ang nasa ilalim ng ‘red’ category o mga lugar na nasa ilalim ng kontrol ng Commission on Elections (COMELEC).
Sa Albay naman, mayroong 17 barangay ang nasa red category habang anim na barangay sa Masbate.
Ang bayan ng Daraga ay may walong barangay na nasa red category, isa sa Lungsod ng Legazpi, at walo sa Libon. Sa Aroroy, Masbate ay mayroong dalawang barangay, isa sa Balenop, at isa sa Masbate City, isa sa Placer, at isa sa Uson.
Nasa 299 na barangay naman sa Kabikulan ang nasa ‘orange’ category o mga lugar na may serious armed threats – 33 sa Albay, 55 sa Camarines Norte, at 205 sa Masbate.
‘Yellow’ category naman ang nasa 75 barangay sa Bicol – 46 sa Albay, 27 sa Masbate, at dalawa sa Sorsogon. Ang kategoryang ito ay indikasyong mayroong nangyaring election-related incidents noong nakaraang halalan.
Ang natitirang 3,471 na barangay sa Bicol ay nasa green category o walang security concern at mapayapang idinadaos ang halalan.






