ALBAY – Mainit ang naging labanan ng mga kalahok sa kauna-unahang National Bancarera Competition sa bayan ng Pio Duran kasabay sa selebrasyon ng Tinapa festival ngayong buwan ng Marso na isinagawa nitong Marso 15-16.
Nagpabilisan sa pagsagwan ang 10 barangay sa bayan ng Pio Duran para sa lokal na kategorya na kinabibilangan ng Barangay 1, 2, 3, 4, 5, Barangay Buenavista, Barangay Banawan, Barangay Malidong, Barangay Marigondon, at Barangay Coastal, kung saan naiuwi ng tambalang Sanny at Carpo mula Basicao Coastal ang kampyonato.
Naglaban-laban naman ang mga kalahok sa national category sakay ng mga de makinang bangka. Nasungkit ng Team Pasacao ang kampyonato para sa kategoryang 7.5 horse power habang naiuwi naman ng dalawang grupo mula Team Magallanes ang una at ikalawang pwesto ng kompetisyon.
Sa kategoryang 16-18 horsepower, kinilalang kampyon at first runner up ang grupo mula sa Team DVRT ng Quezon Province, habang ang Team Mustang ng Batanagas naman ang nakasungkit ng ikalawang pwesto.
Kaugnay nito, mayroon ding mga lumahok mula Batangas, Quezon Province, Laguna, Legazpi, Cavite, Romblon, Bacolod at Palawan.
Ayon kay Pio Duran Mayor Allan Arandia, maliban sa selebrasyon ng Tinapa festival ay ipinagdiriwang din nila ang ika-60 anibersaryo ng minamahal nilang bayan.
Lubos namang pinagpapasalamat ni Mercedes Napa, ang Municipal Councilor na nag-organisa ng naturang aktibidad na marami ang nakiisa at dumayo pa sa kanilang bayan para masaksihan ang Bancarera 2024.
Sabi niya, ang aktibidad na ito ay para na rin sa pagbibigay-pugay at pagkilala sa mga mangingisdang malaki ang kontribusyon sa pag-unlad ng bayan ng Pio Duran.




