ALBAY – Nauwi sa madugong insidente ang matagal nang alitan ng dalawang residente ng Purok 4, Barangay Cuyaoyao, Pio Duran, Albay.
Sa imbestigasyon, Marso 21 ng gabi nang sugurin sa kanilang bahay at barilin ang 45-anyos na si Rommel Cimanes y Reyteran ng 38-anyos na kabarangay na si Salvador Lorenzana Jr. y Llanera.
Kahit may tama na ng bala, nakaganti si Cimanes kay Lorenzana at pinagtataga.
Nagtamo ng mga tama ng bala mula sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Cinames habang malalim na saksak sa ulo ang tinamo ni Lorenzana.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Pio Duran Municipal Police Station (MPS), bago ang insidente, pauwi galing burol si Cimanes kasama ang ka-live-in partner nito pero namng makarating sa lugar kung saan nakikipag-inuman si Lorenzana nagkatinginan ng masama ang dalawa.
Nang makarating na sina Cimanes sa kanilang bahay, nag-amok naman sa labas ng bahay nila si Lorenzana.
Kapwa isinugod sa Pio Duran District Hospital ang dalawa pero ideneklara ring Dead on Arrival.
Bukod sa mga namatay, sugatan din ang umawat na kapatid ni Lorenzana na si Dante na tinaga rin ni Cimanes.
Selos ang ang hinihinalang dahilan ng matagal nang alitan ng dalawang panig.
Kaugnay ng insidente, nagpaalala ang awtoridad sa publiko na mas mabuting idaan sa mabuting usapan ang ano mang hindi pagkakaunawaan kaysa idaan sa dahas na maaaring mauwi sa patayan.




