Inaprubahan na ng Bicameral Conference Committee ang pinal na bersyon ng 2025 General Appropriations Bill (GAB) na naglalaman ng P6.352 trillion national budget plan para sa susunod na taon.
Sa Bicam panel, dito pinagkansundo-sundo ng mga miyembro ng Kamara at Senado ang mga kani-kanilang bersyon ng GAB sa ginanap sa Maynila Ballroom sa Manila Hotel.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, ang pondo ng Office of the Vice President (OVP) ay mananatili sa P733 million.
Ang desisyon ng Kamara na ibaba ang pondo ng OVP mula sa orihinal na panukalang 2 bilyong piso patungong P733 million ay bunga ng patuloy na pagtanggi ni Vice President Sara Duterte na sagutin ang mga tanong ng mga mambabatas kung saan gagamitin ang pondo, kabilang ang confidential funds.
Pinanatili ng Senado ang proposed budget cut ng Kamara sa OVP sa kabila ng panawagan ng mga kaalyado ng bise presidente na ibalik ang ilan sa proposed funding ng OVP para sa social services.
Una nang sinabi ni VP Duterte na nasa 200 OVP personnel ang mawawalan ng trabaho kapag tinapyasan sila ng budget para sa susunod na taon. Ilan din sa mga proyekto ng OVP, kabilang ang free bud rides at financial assistance na ibinibigay ng kanilang satellite offices, ay maaaring maapektuhan ng tapyas ng OVP budget.
Inaasahang raratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang aprubadong 2025 GAB sa kani-kanilang plenary sessions, bago ipasa sa Malacañang para sa pirma ng pangulo.
Pinuri ni House Speaker Martin Romualdez ang mga kapwa mambabatas para matiyak ang tuloy-tuloy na progreso sa ilalim ng kampanya ng pamahalaan na ‘Ang Bagong Pilipinas.’
“This partnership ensured that every peso is allocated to programs that matter most in putting food on every table, improving access to health care and education, creating jobs, higher take-home pay of our peace-keeping forces, relief aid to those in need, and building infrastructure that benefits communities nationwide,” sabi ni Romualdez sa kanyang talumpati.
Para naman kay House Committee on Appropriations Chairperson, Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, tiniyak nila sa publiko na nagkaroon ng malalim na pagbusisi sa final stages ng budget process.
“Masusi nating tinalakay ang mga kumplikadong alokasyon at polisiya sa bawat probisyon ng budget. Bumuo tayo ng mga nararapat na hakbang tungo sa isang bagong yugto ng pagbabago at solusyon na higit sa nakagawian o nakasanayan ng mga nakaraang pagpupulong sa bicam,” ani Co.
Samantala, inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Cesar Chavez na posibleng pirmahan ni Pangulong Bongbong Marcos ang panukalang national budget sa December 20, 2024.
Pero nilinaw ni Chavez na nananatiling tentative ang petsa.




