Sinertipikahang urgent ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang 2025 General Appropriations Bill (GAB).
Sa ilalim nito, binibigyan ang mga mambabatas na mabilis na maipasa ang P6.352-trillion national budget sa pangalawa at ikatlong pagbasa.
Ayon kay Presidential Communications Acting Secretary Cesar Chavez, ipinadala ang sulat ng pangulo kay House Speaker Martin Romualdez sa Kamara nitong Martes, Setyembre 24, 2024.
Sa kanyang budget message, binanggit ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng pagpapanatili ng momentum sa pagkamit ng economic at social transformation ng bansa.
Dagdag pa ng Punong Ehekutibo, ang budget ay mahalaga sa pagtupad ng tungkulin ng pamahalaan sa taumbayan, lalo na at naka-angkla ito sa temang: “Agenda for Prosperity: Fulfilling the Needs and Aspirations of the Filipino People.”
“I therefore urge Congress to approve the proposed FY 2025 National Budget, in fulfillment of our duty to the Filipino people as we strive to achieve our dream of a Bagong Pilipinas,” sabi ni Pangulong Marcos.
Ang 2025 National Expenditure Program (NEP) ay katumbas ng 22.1% ng Gross Domestic Product (GDP) at 10.1% na mataas kumpara sa 2024 General Appropriations Act na nagkakahalaga ng P5.768 trillion.






