Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang 24 na dating hepe dahil sa alegasyong isa sa kanila ang tumulong para makatakas sa Pilipinas si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kapalit ng malaking halaga ng pera.
Matatandaang sinabi ni PAGCOR Senior Vice President Raul Villanueva, isang retiradong heneral at dating commander ng Intelligence Services ng Armed Forces of the Philippines (ISAFP), may mga intelligence reports na patuloy na bina-validate na isang dating PNP Chief ang sangkot sa pagtakas kay Guo at sinasabing bahagi ng “monthly payroll” ng dating alkalde.
Sa pagdinig ng Senate Finance Committee para sa proposed P205.8 billion budget ng PNP, sinabi ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, ang lahat ng mga dating PNP Chiefs na buhay pa ang iniimbestigahan.
Bukod sa mga dating hepe, kailangan din aniyang maimbestigahan ang iba pang tumulong sa pagtakas kay Guo sa bansa.
Ayon kay Gen. Marbil na magpapadala sila ng sulat kay Villanueva para hikayating pangalanan ang taong kanyang tinutukoy.
Sakaling bigo si Villanueva na pangalanan ang naturang dating PNP Chief, ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang hahawak nito.
Una nang itinanggi ni Senator Bato Dela Rosa, na dati ring PNP Chief na siya ang tinutukoy ni Villanueva.
Samantala, ipinauubayan na ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos kay Gen. Marbil na sagutin ang mga naturang alegasyon.






