Nakapagtala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng 26,323 na pasahero sa lahat ng pantalan sa buong bansa ngayong araw ng Midterm Elections, Mayo 12, 2025.
Ayon sa PCG, nakapag-monitor sila ng 13,691 outbound at 12,632 inbound passengers sa iba’t ibang pantalan mula alas-12:00 ng madaling araw hanggang alas-6:00 ng gabi.
Kabuoang 5,437 frontline personnel ang idineploy ng PCG sa 16 distrito sa buong bansa para matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero na umuwi sa kanilang mga probinsya.
Sa Bicol, nag-deploy ang PCG ng high-speed response boat lulan ang mga tauhan ng Coast Guard Bicol quick reaction group sa Claveria Port, Masbate.
Ayon kay Commodore Ivan Roldan, commander ng CGD Bicol, mayroon ding supporting personnel mula sa Philippine National Police (PNP) Region 5, Philippine Army, at iba pang law enforcement agencies.
Hinikayat ng CGD Bicol ang publiko na maging alerto at i-report ang ano mang kahina-hinalang aktibidad.
Naka-heightened alert ang PCG mula May 9 hanggang 13.






