Patay ang isang motorista matapos na bumangga sa isang waiting shed sa Barangay Lower Sta. Cruz, Ragay, Camarines Sur alas-5:30 ng hapon nitong Linggo, Abril 14, 2024.
Kinilala ang nasawing motoristang si Richard Capison, 37-ayos, nagtatrabaho bilang construction worker at residente ng Barangay Cabitin ng naturang bayan.
Ayon kay Police Captain Analyn Badong ang Assistant Investigator ng Ragay Municipal Police Station, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na nahulog ang sumbrero ng biktima habang nagmamaneho. Sa pag lingon ng biktima hindi nito namalayang patungo na ang kaniyang direksyon sa waiting shed.
Matinding sugat sa ulo at sa ibang pang bahagi ng katawan ang tinamo ng biktima na nagresulta sa kanyang pagkamatay. Sinubukan pa itong isugod sa Ragay District Hospital subalit nasawi rin.
Sa Pio Duran,Albay, sugatan din ang isang babaeng motorcycle rider matapos na makasalpok sa railing sakop ng Barangay Palapas hapon nitong Myerkules.
Sa impormasyon, mula ang biktima sa Tabaco City at pauwi na sana ng Masbate ngunit nakatulog ito sa biyahe na nagresulta sa kanyang pagkakaaksidente.
Agad naman rumesponde ng Pio Duran Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at isinugod sa Pio Duran Memorial District Hospital dahil sa tinamong minor injuries.






