Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang pagbubukas ng Third Regular Session ng 19th Congress sa House of Representatives bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa Batasang Pambansa, Quezon City ngayong araw, Hulyo 22, 2024.
Tiniyak ni Romualdez na ipraprayoridad ng Kongreso ang pagpasa sa P6.352 trillion national budget para sa fiscal year (FY) 2025 at ang mga natitirang Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority bills.
Iniulat din ng Kongreso ang pag-apruba sa 17 priority measures na binanggit ng pangulo sa kanyang nakaraang SONA.
Lima sa priority bills ang naisabatas na kabilang ang LGU Income Classification (RA 11964), Ease of Paying Taxes Act (RA 11976), Tatak Pinoy Law (RA 11981), New Government Procurement Reform Act (RA 12009), at ang Anti-Financial Account Scamming Act (RA 12010).
Nag-convene naman sa Senado na pinangunahan ni Senate President Francis Escudero para sa pagbubukas ng Third Regular Session ng 19th Congress.
Ayon kay Escudero, ipaprayoridad ng upper chamber ang mga batas na makakapag-angat sa buhay ng mga Pilipino, at mga batas na makakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya.
Ang SONA ngayong taon ay tanda ng pagbubukas ng ikatlo at huling regular session ng 19th Congress.




