Halos limang milyong Pilipino ang natulungan ng programang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa taong 2024.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, ang utilization rate ng P26.7 billion allocation para sa AKAP nitong 2024 ay umabot sa 99.3 sa unang taon pa lamang ng implementasyon.
Ang Cagayan Valley, Davao Region, at Caraga ay may 100-percent utilization.
Sa ilalim ng AKAP, magbibigay ng P5,000 cash assistance sa bawat eligible beneficiary. Para maging kwalipikado, ang pamilya ay dapat may kita na hindi bababa sa poverty threshold at hindi tumatanggap ng ayuda mula sa iba pang programa ng pamahalaan.
Saklaw ng AKAP ang medical, funeral, food, at cash relief na direktang ibinibigay sa pamamagitan ng Crisis Intervention Units o Sections ng DSWD sa central o field offices, at sa pamamagitan ng Social Welfare and Development and Satellite Offices sa bansa.
Sa ilalim ng P6.326-trillion national budget para sa 2025, nasa 26 billion pesos ang inilaan para sa AKAP program, na inaasahang mapapakinabangan ng 5 million minimum wage earners at mga Pilipinong nasa poverty threshold batay sa records ng DSWD.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos, ang mga kalihim ng DSWD, Department of Labor and Employment (DOLE), at National Economic and Development Authority (NEDA) ay bubuo ng guidelines para sa paglalabas ng AKAP funds ng Department of Budget and Management (DBM).





