MASBATE – Boluntaryong nagbalik-loob sa awtoridad ang anim na miyembro ng communist terrorist group (CTG) sa Barangay Poblacion, Esperanza, Masbate kahapon, Enero 26, 2025.
Kinilala ang mga sumukong rebelde na sina alyas “Son,” “Ting,” “Maria,” “Lita,” at “Ana,” na kabilang sa mga isinagawang rally sa probinsya na inorganisa ni Denden Bugas Cañete, alyas “Ka Denden.”
Sila ay nagsilbing runners at lookouts sa rebeldeng grupo NA Platoon 1, Kilusang Larangan Guerilla 2, Sub-Regional Committee 4, Bicol Regional Party Committee (BRPC) na pinamumunuan ni Rogelio Suson, alias “Ka Manong,” at nagsasagawa ng iligal na gawain sa ikatlong distrito ng Masbate.
Bukod dito, sabay ding isinuko ni alyas “Sam”, ang isang 12-gauge shotgun na may isang bala.
Sa ngayon, sasailalim sila sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno, na naglalayong magbigay ng suportang pinansyal at pangkabuhayan para sa kanilang pagbabagong-buhay at muling paglahok sa lipunan.
Malaking hakbang ang pagsukong ito sa pagkamit ng kapayapaan sa Bicol at patunay ng humihinang pwersa ng NPA sa rehiyon.



