Tinatayang nasa 6,000 foreign workers ang inaasahang aalis ng Pilipinas bago magtapos ang taon kasabay ng pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Spokesperson Dana Sandoval, hinihikayat nila ang mga foreign POGO employees na i-downgrade ang kanilang visa, lalo na at hindi na palalawigin pa ang December 31 deadline.
“Around 6,000 ang expected na aalis ng bansa.. Paulit-ulit nating sinasabi walang extension ang December 31 deadline. Wala ng pag-asa na ma-extend ito at wag na patagalin pa dun sa foreign POGO workers,” sabi ni Sandoval.
Matatandaang itinakda ng BI ang October 15 deadline para sa mga foreign POGO workers na i-downgrade ang kanilang 9G work visas patungong tourist visas, para mapahintulutan silang manatili sa bansa ng hanggang 59 na araw.
Nasa 21,000 foreign workers ang nag-apply para sa downgrade.
Mahalaga aniya ito sakaling nais ng mga dayuhan na makabalik sa Pilipinas sa hinaharap. Ang mga bigong makapag-comply ay mauuwi sa blacklisting.
Matatandaang nag-isyu si Pangulong Bongbong Marcos Jr. ng Executive Order No. 74, kung saan saklaw ng ban ang illegal offshore gaming operations, new license applications, license renewals, at ongoing operations.
Ang inter-agency task force na binubuo ng BI, Department of Justice (DOJ), at Department of Labor and Employment (DOLE) ang nakatutok sa pagpapasara sa POGO at pagtulong sa mga apektadong manggagawa.




