ALBAY – Naglaban-laban ang walong esports teams na pambato ng iba’t ibang lalawigan sa Southern Luzon para sa Unity League: Mobile Legends Bang Bang Esports Amateur Tournament.
Idinaos ang torneyo mula Hunyo 7 at 8 sa Embarcadero de Legazpi, Lungsod ng Legazpi.
Husay, diskarte at teamwork ang ipinamalas ng bawat team na mula pa sa Cavite, Batangas, Antipolo, Laguna at Quezon province sa naturang mobile game na patok na laro sa mga kabataan ngayon.
Ayon kay Dennis Principe ang Executive Producer ng kompetisyon, sinala nila ng husto ang mga kasali sa Southern Luzon Leg. Bago kasi ang mismong liga, sinala nila ang mga ito sa online ML competition hanggang sa matira ang walong Esports teams.
Layunin ng kompetisyon na maipakita ang galing ng mga Pilipino pagdating sa larong ML.
Nito lamang nakaraang buwan unang umarangkada ang kompetisyon sa Northern Luzon at nakatakdang gawin sa National Capital Region, Visayas at Mindanao sa mga susunod na buwan.
Ang mga mananalo dito ang maglalaban-laban sa National Competition kung saan 2 million pesos ang naghihintay na papremyo.
Naidala sa Bicol ang Unity League sa inisyatibo nila Ako Bicol Partylist Representatives Attorney Jil Bongalon, Committee on Appropriations Chairman Elizaldy Co, dating kongresista Christoper Kito Co at Ako Bicol Partylist Executive Director Alfredo Pido Garbin Jr. katulong ang Philippine Sports Commision, National Printing Office, Presidential Communications Office, Philippine Esports Organization (PESO) at iba pa.
Mapapanood ang mga nasabing kompetisyon sa Peoples’ Television Network (PTV4).






