Nakapagtala ang Bureau of Immigration (BI) ng halos 60,000 daily arrivals sa buong bansa ngayong buwan ng Disyembre.
Sa tala ng BI, tumaas ang arrivals mula 50,000 nitong unang linggo ng Disyembre hanggang sa umabot ito ng 60,000 ngayong Christmas week.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, higit 85% ng mga pasahero ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Inihayag din ni Tansingco na nakapagtala rin ang kawanihan ng 31,408 departures nitong December 23, mataas mula sa 25,759 departures noong unang araw ng Disyembre.
Pinapayuhan ng BI ang mga arriving Pinoys na gumamit ng e-gates para sa mabilis na immigration clearance. Dapat ding magparehistro sa etravel.gov.ph sa loob ng 72 oras bago ang kanilang arrival o departure mula sa bansa.






