Pinalawig ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. hanggang Disyembre ng susunod na taon ang pagpapatupad ng mababang import rates sa palay, mais, at karne para maibsan ang epekto ng El Niño at African Swine Fever (ASF) sa mga presyo.
Sa ilalim ng Executive Order No. 50 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ikinababahala ng pangulo ang negatibong epekto ng El Niño sa presyo at produksyon ng palay at mais, maging sa patuloy na paglaganap ng ASF, maging ang paghihigpit sa kalakalan ng ilang exporting countries ukol sa presyo ng basic commodities.
Naniniwala si Pangulong Marcos Jr. na ang kautusan ay makakatiyak na abot-kaya ang presyo sa harap ng mga hamon.
Ang extension ay magtatagal hanggang December 31, 2024.
Una nang inihayag ng National Economic and Development Authority (NEDA) na posibleng irekomenda sa pangulo ang extension ng import tariff para matugunan ang tumataas na presyo ng bigas at matiyak ang sapat na supply sa pamamagitan ng maayos na pag-aangkat.
Sa ilalim ng Section 1608 ng Republic Act No. 1086 o Customs Modernization and Tariff Act, binibigyan ng kapangyarihan ang pangulo na itaas, bawasan, o tanggalin ang kasalukuyang rates ng import duty para sa kapakanan ng lahat at pambansang seguridad at sa ilalim ng rekomendasyon ng NEDA.
Inatasan ng pangulo ang NEDA Committee on Tariff and Related Matters na magpasa ng kanilang findings at recommendations ukol sa semestral at annual review ng tariff rates, kabilang ang analysis at monitoring ng subject commodities.






