Posibleng matanggal sa listahan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol ang sino man sa mga miyembro nito na mapatutunayang nagsangla o hindi tumitigil sa pagprenda o pagsangla ng kanilang 4Ps cash card upang gawing kolateral sa kanilang pinagkakautangan.
Ayon kay Dyabbie Bisa-Tagum ang Regional Grievance Officer ng 4Ps ng ahensya, mahigpit itong ipinagbabawal. Nakalaan lamang kasi dapat ang naturang tulong pinansyal para sa kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga benepisyaryo hindi para gawing panggarantiya sa mga pinagkakautangan.
Aniya, ang pagsasangla ng 4Ps cash card ay wala namang kaukulang kaso, subalit kapag umabot na ito sa 3rd offense ay awtomatikong papatawan na ng parusang pagkakaalis bilang benepisyaryo ng programa dahil sa ‘misbehavior’.
Sa datos ng ahensya nitong unang kwarter ng 2024, 301 na ang na-monitor nilang nagsasangla ng 4Ps cash card, 736 noong 2023 habang 1,391 noong 2022.Sa mga nasabing bilang wala namang naalis sa listahan.
Ang probinsya ng Masbate ang nangunguna sa may pinakamaraming benepisyaryong nagsasangla ng 4Ps cash cards, sinundan ng Camarines Sur, Albay, Camarines Norte, Sorsogon at Catanduanes.






