Magumpay nailigtas ng mga tauhan ng Coast Guardi ang 15 taong sakay ng lumubog na bangka habang naglalayag sa dagat sakop ng Brgy. Gogon, Caramoan, Camarines Sur pasado alas-1:00 ng hapon nitong Marso 29, 2024.
Ayon sa Deputy Commander ng Coast Guard District Bicol na si 2nd Lieutenant Kenneth Antonio, habang nagpapatrolya ang mga kawani ng Coast Guard Sub-Station Guijalo sa nasabing bahagi ng karagatan kasama ang ilang tourist police at tauhan ng MDRRMO, maswerte nilang nadatnan ang mga biktima at agad na sinaklolohan.
Nabatid na pawang magkakamag-anak ang mga pasahero ng lumubog na bangka at mga residente ng Makati City.
Marso 30, nasagip naman din ang tatlong taong muntik malunod sa isang Beach Resort sa Brgy. Pagatpan, Bato, Camarines Sur.
Batay sa impormasyon, habang nagsasagawa ng baywatch patrol ang kawani ng CGMT Bato katulong ang augmented personnel mula sa Coast Guard District Bicol at CGS CamSur, nakita ng grupo ang nalulunod na mga biktima at agad na sinaklolohan.
Marso 30 naman nang mailigtas ng Coast Guard at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang apat na mangingisda sa Brgy. Canlubi, Pandan, Catanduanes na nasiraan ng bangka dahil sa malalakas na alon.
Kinilala ang mga mangingisdang sina Alfredo Naval, Noel Condeno, Dennis Zuniga, Ronnie Esmundo na residente ng Brgy. Napo ng naturang bayan.
Ayon kay Coast Guard 2nd Lieutenant Danilo Nicdao Jr. ang Deputy Commander ng Coast Guard Station Catanduanes, habang nagpapatrolya ay nadaanan nila ang nakakaawang kalagayan ng mga mangingisda at ang nakalubog na sasakyang pandagat nila kaya agad nila itong tinulungan.
Mas pinaigting din daw ng komandansya ang kanilang pagpapatrolya sa karagatan ng Bicol lalo na ngayong Summer Season na dagsa ang mga maliligong na turista.






