Patuloy ang pag-alalay ng Department of Agrarian Reform (DAR) Region 5 sa iba’t ibang agrarian reform beneficiary organizations (ARBOs) sa Bicol para mapahusay ang crop productivity, mapababa ang production cost, at mapataas ang kita ng mga magsasaka.
Ayon kay DAR-Bicol Assistant Information Officer Niriza Barquilla, dalawang ARBOs sa lalawigan ng Sorsogon at Camarines Sur ang natanggap ng farm machinery at napili ng ahensya para makatanggap ng tulong sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRFPS) at Major Crop-based Block Farm Productivity Enhancement Project para sa taong 2024.
Ang mga ARBOs ay ang Carriedo Agrarian Reform Cooperative (CARCO) ng Irosin, Sorsogon na tumanggap ng 1.5 million na halaga ng 4WD tractor, at ang Burabod Farmers Agrarian Reform Organization (BFARO) ng Calabanga, Camarines Sur na nakatanggap ng 1.85 million pesos na halaga ng 40 HP 4WD tractor na may kasamang disc harrow at trailer.
Dahil dito, inaasahan ng DAR na tataas ang yield production at kita mula sa dalawang ARBO na makakatulong sa kanilang kabuhayan.
Sa Mayo at Hunyo, sasailalim sa serye ng development training at practical training programs ang mga miyembro ng CARCO.





