Tiniyak ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa mga Bicolano ang tuloy-tuloy na serbisyo ng pamahalaan at proyektong imprastraktura na magpapa-angat ng kanilang pamumuhay.
Ito ay pahayag ng pangulo kasabay ng pamamahagi ng titulo ng lupa, support services at financial assistance sa mga magsasaka at mangingisda sa Fuerte CamSur Sports Complex, Pili, Camarines Sur nitong Biyernes, Hunyo 07, 2024.
Kabilang sa mga tinukoy na proyekto ng pangulo ay ang Camarines Sur Expressway, Pasacao-Balatan Tourism Coastal Road, at ang New Naga Airport Development Project na naglalayong makapagbigay ng maayos na transportasyon at mapaganda ang ekonomiya sa rehiyon.
Idinagdag pa ni Pangulong Marcos ang Kadiwa ng Pangulo at Pambansang Pabahay para sa mga Pilipino (4PH) Housing Project sa Camarines Sur.
Nakumpleto na rin ng pamahalaan ang walong farm-to-market roads, na may kabuoangt 8.32 kilometers at nagkakahalaga ng 193 million pesos. Siyam na iba pang farm-to-market road projects ang inilalatag na rin, na may kabuoang 31 kilometro at nagkakahalaga ng 675 million pesos.
Ipinag-utos na rin ni Pangulong Marcos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na tapusin ang iba pang infrastructure projects tulad ng flood control facility sa Bicol River para maiwasan ang pagbabaha.





