ALBAY – Pormal na inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol bilang bahagi ng ika-126 na taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, Hunyo 12, 2024 ang Kalayaan Job Fair sa Lungsod ng Legazpi.
May tema ang aktibidad na “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan.”
Aabot sa higit 5,000 trabaho lokal at abroad ang alok na sa naturang job fair kung saan 33 employers ang lumahok kabilang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Philippine Army, Philippine National Police (PNP), Philippine Statistics Agency (PSA), Pagibig Fund, Social Security System (SSS), Bureau of Internal Revenue (BIR), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), DOLE, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Trade and Industry (DTI), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang pribadong kompanya tulad ng Sunwest, Misibis, at BPO Companies.
Ayon kay DOLE OIC, Regional Director Imelda Romanillos, layunin ng aktibidad na mas mapadali ang paghahanap ng trabaho ng mga Bicolano at mapababa ang unemployment rate sa rehiyon.
Samantala, kasabay ng pagbubukas ng aktibidad, maagang nagtipon-tipon ang mga tauhan ng iba’t ibang opisina ng gobyerno para makilahok sa flag raising ceremony sa labas ng nasabing establishimiento.






