Inaprubahan ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng ‘no-tattoo’ rule para sa mga aplikante ng PNP Academy (PNPA) at sa organisasyon.
Ito’y matapos bawiin ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang moratorium hinggil sa panukala.
Una nang sinuspinde ng PNP ang tattoo ban dahil sa hiling ng ilang police officers at para sa PNP Health Service na ma-assess ang declaration na isinusumite ng mga aktibong police personnel na may tattoos.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, ang impormasyon mula sa declarations ay magiging bahagi ng health profiles ng mga police at bibigyan sila ng tatlong buwan para tanggalin ang mga visible tattoos.
“Definitely, those who have tattoos will no longer be allowed to enter the PNP and the PNPA but with respect to the active policemen with existing tattoos should be removed within three months,” sabi ni Fajardo.
Gayumpaman, sinabi ni Fajardo na maglalabas ang Technical Working Group (TWG) ng PNP ng guidelines sa pagtanggal ng visible tattoos.
Dahil wala pang ganitong equipment ang PNP Health Service, kailangan munang sagutin ng mga police officers ang kanilang tattoo removal.
Sa mga bigong makasunod sa pagtanggal ng visible tattoos sa loob ng 3 buwan, sasailalim sila sa imbestigasyon at posibleng maharap sa administrative charges.






