Nagsagawa ng survey ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kung saan lumalabas na mayorya ng mga Pilipino ay suportado ang polymerization ng Philippine Banknotes.
Batay sa Consumer Expectation Survey na isinagawa sa unang kwarter ng 2024, lumalabas na 61.3% ng respondents ang sumusuporta sa inisyatibo ng Philippine Banknotes Polymerization, mataas sa 10.9% noong 2023.
Matatandaang isinapubliko na ang bagong polymer banknotes na may denominasyong P50, P100, at P500, tampok ang mga larawan ng native at protected species, maging ang mga local weave designs.
Available na ang mga bagong banknote denominations sa limitadong bilang sa Greater Manila Area (GMA) nitong Disyembre, at sisimulan ang ipapasok sa sirkulasyon sa unang kwarter ng 2025.
Ang mga polymer banknotes ay may advanced security features at hindi basta-basta mapepeke.
Una nang isinapubliko ang P1,000 polymer banknote noong Disyembre 2021, at ipinaikot sa sirkulasyon noong Abril 2022.
Ayon sa BSP, hindi rin basta-basta nasisira ang polymer banknotes dahil sa tubig, langis, o dumi, at matibay na mayroong lifespan na hanggang 7.5 years kumpara sa paper banknotes na nasa 1.5 years lamang.



