Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na isang matandang lalaki ang binawian ng buhay matapos mag-collapse matapos bumoto sa bayan ng Oas, Albay.
Sa ulat mula sa Police Regional Office (PRO) Bicol, ang biktima ay isang 65-anyos na lalaki.
Dakong alas-6:05 ng umaga nang matapos ang biktima na bumoto sa loob ng polling precinct ng Oas South Central School sa Barangay Ilaor Sur nang ito ay mawalan ng malay.
“Na-heart attack po ‘yung 65-year-old kaninang 6:05 a.m. after ng casting ng vote niya,” sabi ni Police Lt. Col. Maria Luisa Calubaquib, spokesperson ng PRO-5 sa press briefing sa PNP monitoring center sa Camp Crame, Quezon City.
Agad rumesponde ang on-site medical personnel mula sa Commission on Elections (Comelec) at binigyan ng first aid ang biktima at isinugod sa ospital sa Ligao City, subalit idineklarang dead-on-arrival.






