Nakatanggap ang Department of Education (DepEd) ng higit isandaang election-related reports mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong Lunes, Mayo 12, 2025.
Mayorya ng mga ulat na kanilang natatanggap ay aberya sa vote counting machines (VCM), nawawalang pangalan sa voters’ lists, at health-related concerns ng mga apektadong guro at poll workers.
Ayon kay DepEd Media Relations Chief Dennis Legazpi, nasa 160 reported incidents ang isinumite sa DepEd Election Command Center at kasalukuyang nasa active resolution sa pakikipagtulungan ng Commission on Elections (Comelec), Philippine National Police (PNP) at iba pang government partner agencies.
“Nakatanggap na ang DepEd Election Command Center ng 160 ulat mula sa mga field offices, karamihan ay may kinalaman sa mga isyu sa vote counting machines, nawawalang pangalan sa listahan ng botante, at health-related concerns ng mga guro at personnel,” sabi ni Legazpi.
Kaugnay nito, inatasan na ni Education Secretary Sonny Angara ang Election Task Force (ETF) para paigtingin ang coordination at support efforts.
Ayon kay Malcolm Garma, ang namumuno ng task force, nakikipagtulungan na sila sa regional at division ETF teams para mabilis na matugunan ang mga isyu – lalo na ang kaligtasan at kapakanan ng mga guro na nagsisilbing electoral board members at support staff.






