Nagdulot ng usok sa loob ng Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang powerbank ng isang pasahero.
Ayon sa New NAIA Infra Corp. (NNIC), agad namang narespondehan ang insidente at walang nasaktan o napinsala sa pasilidad ng paliparan.
Ang usok ay napansin mula sa Baggage Carousel 3 ng NAIA Terminal 1. Agad ipinadala ang airport emergency response teams sa lugar.
Agad inilayo ang mga pasahero sa lugar, at ipinatupad ang ventilation measures para mawala ang usok.
Lumalabas na ang pinagmulan ng usok ay mula sa powerbank ng isang pasahero na nahulog sa bagahe nito sa carousel system.
Dito ay nagpatupad ng cleanup operations at nagbalik normal ang operasyon ng terminal.




