Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy pa ring tutulungan ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) na nagsipagtapos na sa programa.
Ito ay matapos silang ma-assess ng kagawaran bilang ‘non-poor’ sa isinagawang revalidation ng kagawaran.
Ayon kay DSWD Spokesperson and Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, magbibigay pa rin ang ahensya ng iba pang serbisyo at programa sa mga ‘exiting’ o paalis na 4Ps members para mapanatili nila ang kanilang self-sufficiency at mapahusay ang kanilang overall well-being.
“The good thing is, just like our Food Stamp Program (FSP), although we cannot include everyone from 4Ps, we can implement other DSWD programs to augment or help in the poverty alleviation side of our fellow Filipinos who are the poorest of the poor,” ani Lopez.
Ang Sustainable Livelihood Program (SLP) at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ang dalawang programa ng DSWD na maaaring aplayan ng mga ‘graduate’ na sa 4Ps.
Ieendorso ng DSWD ang mga paalis na 4Ps beneficiaries sa kanilang local government units (LGUs), kasama ang kanilang case folders, na magsisilbing gabay ng Local Social Welfare and Development Office (LSWDO) sa pagtukoy sa mga programa at serbisyong maaaring ibigay sa pamilya.
Aabot sa 1.1 million beneficiaries ang na-assess sa ilalim ng Listahanan 3 ng National Household Targeting System for Poverty Reduction.
Nakapag-revalidate din ang DSWD ng 339,660 household-beneficiaries, na awtomatikong inirekomenda para sa kanilang graduation o exit sa programa, habang nasa higit 760,000 na pamilya ang nananatili sa listahan ng 4Ps beneficiaries.
Ang 4Ps ay ang national poverty reduction strategy at human capital investment program ng pamahalaan na nagbibigay ng conditional cash transfer sa mga kwalipikadong pamilya.






