Patuloy na magbibigay ng malinis, sariwa, at abot-kayang agricultural at farm products ang nasa apat na agrarian reform beneficiary organizations (ARBOs) sa mga persons deprived of liberty (PDLs) sa iba’t ibang jail facilities sa lalawigan ng Albay.
Ito’y matapos i-renew ng Department of Agrarian Reform (DAR) Bicol at ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kanilang Memorandum of Understanding (MOU).
Ayon kay DAR – Albay Agrarian Reform Program Officer I Roselyn Ala, mula nitong 2020, ang BJMP ay mayroong marketing agreement sa DAR para sa ARBOs.
Ang MOU aniya ay nire-renew kada taon, hindi lamang sa Albay pero maging sa iba pang tanggapan ng DAR.
Ang apat na ARBOs ay inaasahang maghahatid ng bagong aning mga gulay, root crops, at prutas sa mga jail facilities sa Guinobatan, Lungsod ng Legazpi, Camalig, Pio Duran, Ligao City, Polangui, Oas, at Tabaco City, at Sto. Domingo kada linggo.
Ito ay ang South Quinale Irrigators Association sa Libon, Association of Women and Men of Gabawan at Sa Agrarian Iriba Gabos sa Kauswagan na kapwa sa bayan ng Daraga, at ang Panganiran Irrigators Association sa Pio Duran.
Ang kasunduan ng DAR at BJMP ay alinsunod sa layunin ng administrasyon na labanan ang gutom at kahirapan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa tulong ng partnership na ito, ang ARBO ay kumita ng nasa 1.69 million pesos mula 2020 hanggang Pebrero 2024.
Bukod dito, ang DAR ay mayroon ding kasunduan sa iba pang government institutions tulad ng National Nutrition Council (NNC), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Bicol Regional Medical Hospital and Medical Center (BRHMC), Department of Health (DOH), mga local markets at iba pang pribadong kumpanya sa rehiyon.






