Opisyal nang itinurn-over sa Philippine Officials ng Indonesian Government si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Nagkaroon ng deportation proceedings at negotiation sa Indonesian authorities bago itinurn-over si Guo sa mga awtoridad ng Pilipinas.
Sina Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, at Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Rommel Francisco Marbil ang tumanggap kay Guo.
Ayon kay Abalos, ang kanilang flight pabalik ng Pilipinas ay alas-6:00 ng gabi, Huwebes, Setyembre 05, 2024, at inaasahang makakarating sa Manila ng alas-8:30 ng gabi.
Sinabi ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, pagkadating ni Guo sa Manila ay idederetso siya sa Kampo Krame para sa medical checkup. Pagkatapos ay ililipat siya sa Senado na may kasalukuyang arrest order sa kanya.
Human Trafficking vs. Guo, ihahain sa susunod na linggo
Inaasahan namang isasampa ang reklamong Human Trafficking laban kay Guo sa susunod na linggo.
Ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Ty, humingi ng extension ang prosecutors na humahawak sa kaso para ihanda ang mga isasampang kaso.
Inihayag ito ni Ty sa House Committee on Appropriations para sa 37.7 billion peso budget ng ahensya para sa 2025.
Reklamo vs. Guo, pinakukumpleto sa Comelec law dept.
Ipinag-utos ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia sa legal department na tapusin ang preliminary investigation ukol sa misrepresentation complaint laban kay Guo, at maisumite ang final recommendation sa susunod na linggo.
Ito ay dahil sa kabiguan ng kampo ni Guo na makapagpasa ng counter-affidavit sa itinakdang deadline.
Nag-ugat ang reklamo sa paglabag ni Guo sa Omnibus Election Code nang ideklara niya sa kanyang records na isa siyang Filipino citizen.
Alice Guo, isang National Security Concern
Ikinokonsidera ng National Intelligence Coordination Agency (NICA) na isang national security concern ang kaso ni Guo.
Sa pagdinig ng Senate Justice and Human Rights subcommittee, sinabi ni NICA Legal Officer Rowena Acudili, maituturing na national concern si Guo lalo na at nasasangkot siya sa iba’t ibang criminal charges at iba pang unlawful activities, kwestyonable ang kanyang Filipino citizenship.
Aniya, nalaman nila ang pag-alis ni Guo sa Pilipinas noong Agosto 18, pero hindi pa ito nabeberipika ng iba pang sources. Kinabukasan (Agosto 19), isiniwalat ang pag-alis ni Guo sa privilege speech ni Senator Risa Hontiveros.
Anila, patuloy ang kanilang naging coordination sa iba pang intelligence agencies.
Pagkakasangkot ng BI official sa pagtakas ni Guo
Sa nabanggit na Senate Hearing, tinanong ni Hontiveros kay Bureau of Immigration (BI) intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr. ang pagkakatalaga kay Vincent Bryan Allas bilang acting chief ng BI Control and Intelligence Unit (BICU).
Giit ni Hontiveros, trabaho ng BICU na magsagawa ng intelligence and counterintelligence measures para mapagtibay ang operational capability ng lahat ng international ports of entry and exit (IPEE).
Dagdag pa ng senadora, si Allas ay nakitaan ng Office of the Ombudsman na administratively liable para sa grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Si Allas ay na-dismiss mula sa serbisyo na may kinalaman sa kanyang pagkakasangkot sa “Pastillas” extortion scheme at nahaharap sa graft cases sa Sandiganbayan.
Tugon ni Manahan, maayos na nagagampanan ni Allas ang kanyang trabaho at posisyon batay sa kautusan na rin ng BI Commissioner.
Nagsasagawa na ang BI ng internal investigation sa posibleng korapsyon na may kinalaman sa pagtakas ni Guo at iba pa.
Ikinokonsidera ng BI na amy posibilidad na may ilang tauhan at opisyal ang tumanggap ng lagay kapalit ng pagtakas ni Guo.
PCG, duda sa istorya ni Shiela Guo na nakatakas sila sa pamamagitan ng barko
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Service, tinanong ni Senator Raffy Tulfo si Capt. Oliver Tanseco ng Philippine Coast Guard, PCG Commander, Coast Guard Investigation and Detection Management Service kung paano nakatakas si Guo at iba pa kung ang backdoor channels ay binabantayan din 24/7.
Matatandaang inihayag ni Shiela Guo, na kasalukuyang nakadetine sa Senado kung paano sila nakalabas ng bansa ni Alice, at Wesley Guo mula sa kanilang farm sa Tarlac.
Ayon kay Shiela, sinundo silang tatlo sa isang van, at inilipat sa isang barko na may fishing nets. Nakarating sila sa Malaysia, at lumipat sila sakay ng isa pang barko.
Para kay Tanseco, naniniwala siyang nakatakas ang mga Guo sa pamamagitan ng speed boat baog ilipat sa fishing boat para maiwasan ang mga awtoridad sa pantalan.
Tanong pa ni Sen. Tulfo kung naniniwala si Tanseco sa kwento ni Shiela lalo na sa lagay ng dagat noong panahon na iyon. Tugon ni Tanseco na ang sinakyang fishing boat ng mga Guo ay hindi nakadisenyo para mag-accomodate ng pasahero, at kung ikokonsidera ang lifestyle ng mga Guo, sisiguruhin nilang maginhawa ang kanilang biyahe sa dagat.
Kaugnay nito, pinasinungalingan ni Sen. Hontiveros ang pahayag ni Shiela na pumasok sila sa Malaysia sa pamamagitan ng Sabah.
Ani Hontiveros, peke ang pasaporte ni Shiela, nangangahulugan lamang na walang legal entry sa Sabah si Sheila.
Ikinumpara ni Hontiveros ang actual stamp ng Sabah mula sa stamp sa pasaporte ni Shiela, at dito nila nakumpirmang peke ito.
Pero sinabi ni Hontiveros na nakatanggap sila ng impormasyon na pumasok si Shiela sa Malaysia sa pamamagitan ng Kuala Lumpur noong Hulyo 18 o 19.
Batay sa stamps, lumalabas na pumasok si Shiela sa Kuala Lumpur patungong Sabah.
Iprinisenta rin ni Hontiveros ang certificate mula sa Department of Trade and Industry (DTI) kung saan lumalabas na registered owner si Shiela sa Alisel Aqua Farm sa Sual, Pangasinan bagay na itinanggi ng pangalawa.
Aminado si Shiela na may farm sila sa Pangasinan pero hindi niya alam kung saan ito, at naniniwala siyang ginamit lamang ang kanyang pangalan para sa negosyo na hindi niya alam.
Kinumpirma rin ni Shiela na nakipagkita siya kay Sual, Pangasinan mayor Liseldo ‘Dong’ Calugay pero itinanggi na may ugnayan sina Calugay at kanyang kapatid na si Alice.
Si Calugay ay nauugnay kay Alice dahil pinoprotektahan umano siya nito.
Hindi nakadalo sa pagdinig ang alkalde dahil sa Dengue fever. Nagpadala ang kampo ni Calugay ng medical certificate na inisyu ng Sual Primary Care Facility-Infirmary noong Setyembre 4.
Sa pagkakaalam ni Shiela, magkaibigan sina Alice at Calugay pero hindi niya alam kung mag-business partners sila.






