Tatanggapin ng Commission on Elections (Comelec) ang Certificate of Candidacy (COC) ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo para sa Midterm Elections sakaling maghain siya.
Pero nilinaw din ng poll body na maaari pa rin siyang madiskwalipika maliban kung nakakuha siya ng temporary restraining order (TRO).
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, mayroong grounds para sa disqualification.
Kabilang sa mga grounds ay declaration bilang nuisance candidate, petition na nagkakansela ng COC dahil sa edad at citizenship, at desisyon ng Ombudsman na ipataw ang perpetual disqualification mula public office.
Una nang sinabi ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco na walang kapangyarihan ang poll body na awtomatikong ikansela ang COC ni Guo at nakadepende sila sa desisyon ng Ombudsman.
Matatandaang inihayag ng legal counsel ni Guo na si Atty. Stephen David na maghahain ng COC si Guo sa Martes, Oktubre 8, 2024, sa huling araw ng filing para sa May 2025 midterm elections.
Si Guo ay nahaharap sa graft, qualified human trafficking, money laundering, at tax evasion dahil sa kanyang pagkakasangkot sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Kaugnay nito, nagbabala si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na mahaharap sa marami pang kaso si Guo kapag naghain siya ng kandidatura.
Ani Hontiveros, maituturing na material misrepresentation kapag nag-fill out si Guo ng COC at pekeng idinedeklara ang kanyang sarili bilang mamamayang Pilipino.
Dagdag pa ng senadora, wala pa ring tigil ang panloloko ni Guo sa taumbayan kahit na siya ay nakadetine.
Para kay Senator Sherwin Gatchalian, ang hakbang na ito ni Guo ay pagtatangka para maliitin ang mga batas ng Pilipinas.
Hinihikayat ni Gatchalian ang Comelec na magpatupad ng kaukulang legal measures para madiskwalipika si Guo mula public Office.
Aniya, inaprubahan na ng Comelec ang rekomendasyon ng kanilang law department na gumagawa ng hakbang laban kay Guo para sa paglabag ng Omnibus Election Code dahil sa ‘blatant misrepresentation.’





