CAMARINES NORTE – Tinupok ng apoy ang nasa apat na bahay sa nangyaring sunog sa isang compound sa Purok 7, Brgy. Parang, Jose Panganiban, Camarines Norte alas-9:33 ng umaga nitong Martes Mayo 14, 2024.
Ayon kay Fire Officer 1 Glenn Ebonia, ang Fire and Arson Investigator ng Jose Panganiban Fire Station, agad silang rumesponde sa insidente matapos makatanggap ng impormasyon mula sa kalapit na pulisya.
Mabilis na kumalat ang sunog dahil gawa sa light materials ang mga bahay na umabot sa unang alarma. Mahigit kalahating oras na nagtagal ang sunog bago naidineklarang fire-out.
Batay sa imbestigasyon, electrical short circuit ang dahilan ng sunog. Tinatayang aabot 39,900 pesos ang iniwang pinsala ng nangyaring insidente.
Walang naiulat na nasaktan sa insidente. Nagpapasalamat naman ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa mga residenteng nagtulong-tulong para maapula ang sunog.






