Ipinag-utos na ng Davao City Court ang pag-aresto kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo C. Quiboloy.
Batay sa April 1 order ni Presiding Judge Dante Baguio ng Davao Regional Trial Court Branch 12, nakasaad na nakitaan ng probable cause para isyuhan ng warrant of arrest si Quiboloy.
Pero ang mga abogado ni Quiboloy ay naghain ng mosyon para suspendihin ang pag-iisyu ng arrest warrant bunsod ng nakabinbing motion for reconsideration sa Department of Justice (DOJ).
Ang DOJ prosecutors ay naghain sa RTC ng kaso laban kay Quiboloy dahil sa paglabag sa Section 10(a) at 5(b) ng Republic Act (RA) No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act kasunod ng umano’y abusong sekswal na ginawa noong 2011 laban sa isang 17-anyos na dalagita.
Ayon kay Baguio, pinagbigyan nila ang mosyon ng mga abogado ni Quiboloy habang hinihintay ang resolusyon ng DOJ para sa motion for reconsideration.
Kaugnay nito, sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) Region 11 ang dalawa sa personal assistant ni Quiboloy.
Sa ulat, si Jackielyn Roy at Ingrid Canada ay kabilang sa pinaaaresto ng korte dahil sa child abuse.
Sumailalim na sila sa booking proceedings at nakatakdang iturn-over sa korte.
Bukod kay Quiboloy at sa dalawang sumuko, nahaharap din sa kasong paglabag ng Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sina Cresenta Canada, Paulene Canada, at Sylvia Cemañes.
Naaresto ng NBI si Cresenta habang sumuko sina Paulene at Cemañes, at silang tatlo ay nakapagpiyansa.
Ang NBI at Police Regional Office 11 ay nagtungo na sa compound ng KOJC sa Davao City pero si KOJC administrator Norie Cardona ang tumanggap ng kopya ng warrant.




