[UPDATED as of 4:00 pm, Dec. 26] Nakataas ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa code red bilang paghahanda sa ano mang insidente ng sunog sa buong bansa ngayong holiday season.
Ayon kay BFP Spokesperson Fire Supt. Annalee Atienza, magtatagal ito hanggang Enero 1, 2024 kung saan ipatutupad ang iba’t ibang operational readiness at precautionary measures.
Naka-standby ang mga fire trucks 24/7 sa lahat ng himpilan at pinaigiting ang kanilang visibility, at handang tumugon sa ano mang tawag o insidenteng nangangailangan ng tulong.
Nananatiling bukas ang mga linya ng komunikasyon, nagsasagawa ng pagroronda sa mga nasasakupang lugar, at pagtiyak na sapat ang mga kagamitan at pasilidad para sa pagresponde.
Sinabi ni Atienza na kabuoang 15,679 na sunog ang naitala mula Enero 1 hanggang Disyembre 26, 2023 – 20.7% na mataas kumpara sa kaparehas na panahon noong 2022 na nasa higit 12,000 sunog lamang.
Karamihan aniya sa mga insidente ng sunog ay pawang residential at mga nangungunang dahilan ng sunog ay electrical malfunction, at mga naiwang upos ng sigarilyo.
Dagdag pa ni Atienza na aktibo ang BFP sa lahat ng social media platforms para sa madaling pagpapakalat ng impormasyon at pakikipag-ugnayan.
Kaugnay nito, pinapayuhan din ng BFP ang publiko na sundin ang mga itinalagang “community fireworks display area” o lugar kung saan pwedeng magpaputok ang mga residente.






