Umakyat sa 28 ang kaso ng COVID-19 sa rehiyong Bicol.
Ito ang naitala ng Department of Health (DOH) Bicol mula Mayo 12 hanggang 18 kung saan nasa 133 porsyento ang itinaas kumpara sa 12 kaso na naitala mula Mayo 5 hanggang 11.
Ang lalawigan ng Camarines Sur ang may pinakamataas na kaso na may 18 kaso, kasunod ang Albay na may walong kaso. Isang kaso naman ang naitala sa Masbate at isang biyahero naman ang nagpositibo sa test habang sa Kabikulan.
Nitong Mayo 21, inanunsyo ni Sagñay Mayor Jovi Fuentebella sa social media na nagpositibo siya sa COVID-19 at kasalukuyang naka-quarantine.
Pinayuhan ng alkalde ang kanyang mga kababayan na mag-ingat at sundin ang health protocols.
Paalala ng DOH sa publiko na mag-ingat at patuloy na sundin ang ilang precautionary measures laban sa COVID-19 tulad ng pagsusuot ng face masks sa matataong lugar.
Ang Pilipinas ay nananatiling classified bilang low risk para sa COVID-19.






