Naaresto ng mga awtoridad ang sinasabing ‘big boss’ ng Lucky South 99 na nag-o-operate ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Spokesperson Winston Casio, si Lyu Dong na may mga alyas na “Boss Boga”, “Boss Apao”, ” at “Boss Bahaw” ay naaresto alas-8:00 ng gabi nitong Oktubre 10, 2024 sa isang residential subdivision sa Laguna.
Isinilbi kay Dong ang arrest warrant at mission order.
Ang pagkaka-aresto kay Dong ay malaking tagumpay mula sa Bureau of Immigration (BI), Department of Justice (DOJ), at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), at Inter-Agency Council against Trafficking. Malaking hakbang din tungo sa pagbuwag ng presensya ng ilegal na POGO sa bansa.
Nasa kustodiya ng PAOCC si Dong at sumailalim na sa inquest proceedures.
Ang mga dayuhang kasama ni Dong ay hihingan ng dokumentasyon at sasailalim sa imbestigasyon ng BI sakaling bigo silang makapagbigay ng patunay na legal silang nananatili sa Pilipinas.
Kaugnay nito, sinisilip din ng PAOCC kung ang sinasabing ‘big boss’ ng POGO hub sa Porac ay kabilang sa mga indibiduwal na ayaw tukuyin ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa mga congressional hearings.
Ayon kay PAOCC Executive Director Gilbert Cruz, tinaguriang ‘Kingpin ng POGOs’ sa Pilipinas si Dong. Dumating siya sa Pilipinas noong 2016 at nagtatag ng iba’t ibang POGO sa Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON at Metro Manila.
Ilan aniya sa mga POGO ay nag-o-operate pa rin.
Nakikipag-ugnayan din sila sa Embahada ng China kung sangkot din si Dong sa iba pang krimen sa China.
Samantala, titingnan din ng PAOCC kung makakasuhan din ang siyam na Pilipinong naaresto na kasama ni Dong.





