Iimbitahan ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality si Lin Xunhan, alyas “Lyu Dong” – ang sinasabing ‘big boss’ o ‘kingpin’ ng illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ayon kay Senator Risa Hontiveros, chairperson ng komite, magpapadala sila ng sulat sa mga korte na naghahawak ng mga kaso para hilinging padaluhin siya sa Senado.
Bagamat magandang balita ang pagkakaaresto kay Lyu Dong, sinabi ni Hontiveros na may mga malalaking boss pa ang dapat mapanagot.
“Still, may mas malaking boss pa diyan na ‘di pa napapanagot. And dapat din natin silang mahuli din at dapat silang managot sa kanilang krimen laban sa napakaraming inosenteng tao,” sabi ni Hontiveros.
Matatandaang inihayag ni Senator Sherwin Gatchalian na nais nilang dumalo si Lin Xunhan sa susunod na pagdinig para malaman ang posibleng pagkaka-ugnay niya kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa POGO operations.




