CAMARINES SUR – Napadpad ang isang nanghihinang bottlenose dolphin sa baybayin ng Barangay San Sebastian, Lagonoy, Camarines Sur pasado alas-7:00 ng umaga nitong Martes, Abril 2, 2024.
May haba itong 2.5 meters at bigat na 190 kg, ilang minuto matapos itong mapadpad sa baybayin pero kinalaunan ay namatay ito.
Ayon sa tagapagsalita ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol na si Wheng Briones, may sugat sa tagiliran ang dolphin na posibleng dahilan ng tuluyang pagkasawi nito.
Aniya, isa sa mga maaaring sanhi ng mga sugat nito ay ang iligal na aktibidad sa nasabing karagatan. Agad namang inilibing sa naturang barangay ang dolphin.
Sa Daet, Camarines Norte, isang male sea green sea turtle naman ang natagpuang patay sa baybayin ng Bagasbas Beach pasado alas-4:30 ng hapon nitong Sabado, Marso 30. May haba itong 50 inches at lapad na 48 inches.
Kaugnay nito, nanawagan naman ang opisina sa mga mangingisda at mga residente na malapit sa dagat na agad na ipaalam sa BFAR o sa iba pang nakakasakop na opisina ang mga ganitong uri ng insidente o kung sakali man na may mapadpad na dolphin o turtles sa mga baybayin o ano mang endangered species upang agad itong mabigyan ng tamang tulong at pangangalaga.






