Nagtungo sa Kamara de Representantes, Huwebes ng gabi, Novembre 21, 2024 si Vice President Sara Duterte para bisitahin ang kanyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez at nagpalipas ng gabi sa opisina ng kanyang kapatid na si Davao Congressman Paolo Duterte.
Ayon kay Secretary General Reginald Velasco, nanatili si Duterte sa detention room ni Lopez hanggang katapusan ng visiting hours.
Si Lopez ay ipina-cite for contempt ng Committee on Good Government and Public Accountability sa loob ng limang araw o hanggang sa susunod na pagdinig sa Lunes, Nobyembre 25, na nag-iimbestiga ukol sa kwestyunableng paggamit ng pondo ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang nagmosyong ipa-contempt si Lopez dahil sa official letter ng OVP sa Commission on Audit (COA) kung saan nananawagan ang opisina sa komisyon na itigil ang pagbibigay sa kamara ng audit observations ukol sa paggastos ng OVP ng confidential funds (CF).
Naniniwala si Castro na inuutusan ni Lopez at ng OVP ang COA para mapigilan ang Mababang Kapulungan na mabusisi ang transaksyon ng OVP sa paggamit ng pondo ng bayan.
Hindi naman pinagbigyan ng naturang house panel na pinamumunuan ni Congressman Joel Chua ang hiling ni VP Duterte na manatili kasama si Lopez.
Sa sulat, binanggit ni Duterte na para sa ‘humanitarian reasons’ ang dahilan kung bakit siya nais manatili, at may chronic back problem umanoo si Lopez, at nangangamba para sa kanyang kaligtasan, at hindi sanay na mag-isa.
Pero iginiit ni Chua na nakasaad sa guidelines na tanging mga indibiduwal na ipinag-utos lamang na idetine ng Kamara ang para sa naturang pasilidad.
Nagpadala rin ng sulat si Cong. Pulong Duterte kay Chua na payagan si Lopez na idetine sa kanyang opisina, sa halip sa pasilidad ng House Office of Sergeant-at-Arms – bagay na hindi rin pinagbigyan ni Chua.
Pinayagan si Lopez na sumailalim sa therapy at rehabilitation sessions, basta siya ay may kasamang mga tauhan mula sa House Sergeant-at-Arms. Pinapayagan din siyang bisitahin ng kanyang immediate family.
Bukod dito, nagpadala pa ng isa pang sulat si Cong. Pulong kay Chua na payagan naman ang kapatid na bise presidente na manatili sa kanyang opisina para gawin ang kanyang trabaho.
Dito na ikinabahala ng mga house leaders ang pagtanggi ng bise presidente na umalis sa House premises kahit lagpas na ng visiting hours.
Hindi tumalima si VP Duterte sa pakiusap ng Kamara na umalis matapos bisitahin ang kanyang chief-of-staff.
Sa Joint Statement, Sinabi ni Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Deputy Speaker David Suarez, at Majority Leader Manuel Jose Dalipe, nakiusap si Sergeant-at-Arms Napoleon Taas kay VP Duterte na umalis ng House Premises pagkatapos ng alas-10:00 ng gabi pero nanatilio pa rin nag bise presidente.
Ang visiting house lamang ay 8:00 am – 5:00 pm pero pinalawig nila ito hanggang 7:00 pm kapag session days.
Iginiit ng mga kongresista na dapat igalang ang protocols ng Mababang Kapulungan.
LOPEZ, ILILIPAT SA WOMEN’S CORRECTIONAL
Ipinag-utos ng Kamara na ilipat si Lopez sa Women’s Correctional Facility sa Mandaluyong City.
Dito ay inaatasan si Sgt. at Arms Taas na ilipat ng detention facility si Lopez.
Tumanggi si Lopez na umalis sa tinutuluyang detention facility sa Kamara.
Matapos isilbi ang transfer order, si VP Duterte ang nagsilbi niyang abogado.
ISINUGOD SA OSPITAL
Idinala sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City si Lopez dahil sa sama ng pakiramdam, at nahimatay umano dahil sa panic attack.
Sakay ng ambulansya, sinamahan siya ni VP Duterte patungo sa nabanggit na ospital.





