Walang kapangyarihan ang Commission on Elections (Comelec) para awtomatikong kanselahin ang certificate of candidacy (COC) ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sakaling tumakbo siya sa ibang posisyon sa pamahalaan.
Paliwanag ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, ang pinagbabatayan nila ay ang desisyon ng Office of the Ombudsman sa pagpapataw ng perpetual disqualification.
Pinapayuhan ang mga botante na suriing mabuti ang mga kandidato para sa 2025 election.
Si Guo ay nahaharap sa kasong graft, qualified human trafficking, money laundering, at tax evasion para sa kanyang pagkakasangkot sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa kanyang bayan. Kasalukuyan siyang nakadetine sa Pasig City Jail.
Kaugnay nito, nanawagan ang ilang senador sa publiko na mag-ingat sa mga indibiduwal na tatakbo sa kabila ng mga isyu ng kanilang kandidatura, na kahalintulad kay Guo.
Ayon kay Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero, trabaho ng lahat na maging mapagmatyag.
Ang Comelec aniya ay may ministerial duty na tumanggap ng COC, at hindi maaaring tanggihan ang mga aplikasyon mula sa sino mang nais tumakbo sa elective position.
Naniniwala si Escudero na hindi dapat baguhin ang ministerial duty ng Comelec. Maaari aniyang maghain ng disqualification case laban sa mga indibiduwal na may kaparehas na kaso kay Guo.
Para kay Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel, dapat kilatisin ang qualifications ng mga kandidato.
Sinabi naman ni Senate Majority Leader Francis Tolentino, maaaring lumutang ang maraming kaso kagaya kay Guo sa 2025 elections.
Naniniwala naman si Senator Grace Poe, gawing oportunidad ang COC filing para mapahinto ang ilegal at undesirable individuals na makapasok mula sa electoral system.





