Target ng Commission on Elections (Comelec) na makapag-imprenta ng 1.5 milyong balota kada araw kasabay ng pagbabalik nila ng printing ng mga balota sa Lunes, Enero 27, 2025 para sa 2025 National and Local elections.
Dahil sa pinaikling timeframe para sa pag-iimprenta ng official ballots, inaprubahan ng Comelec En Banc na itaas ang daily overall ballot production.
Matatandaang naudlot ang pag-iimprenta ng balota dahil sa temporary restraining order na inisyu ng Korte Suprema laban sa diskwalipikasyon ng ilang aspirants, dito ay target na ng poll body ang pag-imprenta ng isang milyong balota kada araw.
Ipaprayoridad ng Comelec ang sumusunod na lugar o aktibidad kasabay ng pagpapatuloy nila ng pag-iimprenta ng balota para sa May elections:
- Mock Elections
- Overseas Voting
- Final Testing and Sealing
- BARMM-Regular
- BARMM-Parliament
- Caraga
- Region XII
- Local Absentee Voting
- Region II (Batanes)
- Region V
- Cordillera Administrative Region
- Region I
- Region II
- Region III
Inatasan ng Comelec ang National Printing Office (NPO) na tiyaking maayos at napapanahon ang pagkukumpleto ng pag-iimprenta ng mga opisyal na balota.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, ang bawat balotang naiimprenta ay nagkakahalaga ng tig-P22, ibig sabihin, ang mga naunang naimprentang anim na milyong balota ay wala ng saysay o silbi at nagkakahalaga ito ng nasa P132 million.
Sa kabila ng delays, tiniyak ni Garcia na tuloy sa May 12 ang 2025 elections.






