Nasa ilalim na ng hurisdiksyon ng umiiral na election laws ng Commission on Elections (Comelec) ang mga lokal na kandidato kasabay ng pag-arangkada ng local campaign period ngayong araw, Marso 28, 2025.
Paalala ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia sa mga kandidato na tumalima sa ipinag-uutos ng poll body.
Sa ilalim ng Resolution 11086, ang mga election propaganda, mapa-telebisyon, radyo, dyaryo, internet, o iba pang medium, kabilang ang outdoor static at LED billboards at mobile o transit advertisement ay pinapayagan sa lahat ng kandidato sa national at elective positions, pero alinsunod pa rin sa limitasyon at regulasyon ng Comelec.
Pinaalalahanan din ni Garcia ang mga kandidato na ipaskil ang mga election materials sa mga common poster areas, sundin ang standard size at tanggalin agad ang poster kapag nakatanggap ng abiso mula sa poll body.
Ang pamamahagi ng pagkain sa campaign period ay ipinagbabawal, pamamahagi ng mamahaling bagay, lalo na ang pera ay mahigpit na ipinagbabawal.
Sa Financial Assistance naman, nagpaalala rin si Garcia sa mga kandidato na ang mga ipinamamahagi nilang ayuda o tulong ay dapat mayroong exemption mula sa poll body. Dahil kung wala ito, maituturing itong vote buying o pag-abuso sa state resources.
Binigyang diin din ng Comelec na ang mga government project na exempted ay hindi dapat makaimpluwensya sa nalalapit na eleksyon. Ipinagbabawal din ang presensya ng elective officials, kandidato, o aspirants sa distribusyon ng mga naturang proyekto.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ipinagbabawal ang paglalabas at paggastos ng public funds sa loob ng 45 araw bago ang electoral exercise. Para sa May 2025 elections, ang election spending ban ay tatakbo mula Marso 28 hanggang May 11, 2025.
Sa pagsasagawa ng campaign rallies o campaign events, kailangang sundin ang mga polisiya ng kani-kanilang mga lokal na pamahalaan tulad ng pagkuha ng permits.
Nanawagan din ang Comelec sa mga kandidato na iwasan ang ano mang uri ng diskriminasyon sa election period, binabalaan ang sino man na lalabag dahil maituturing itong election offense.





