Higit 7.4 million voter applications ang naiproseso ng Commission on Elections (Comelec) mula nang magsimula ang registration period para sa 2025 national and local elections (NLE).
Batay sa datos ng poll body nitong Setyembre 30, ang kabuoang bilang ng registrants na boboto sa darating na halalan ay nasa 7,436,555.
Mula sa nasabing datos, kabuoang 3,630,968 ay lalaki at 3,805,587 ay mga babae.
CALABARZON ang may pinakamataas na bilang ng registrants na may 1,223,159, kasunod ang National Capital Region (NCR) na may 997,062, Central Luzon na may 834,467, BARMM na may 416,866, at Davao Region na may 411,879.
Nakapagparehistro ang Comelec main office ng 9,201 applications.
Ang voter registration period ay nagsimula nitong February 12 at nagtapos nitong Setyembre 30.






