Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na walang major delay pagdating sa access ng election watchdogs sa resulta ng eleksyon.
Nabatid na iniulat ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na nitong alas-8:00 ng gabi ng Mayo 12, 2025 na habang nasa 34% na ang natatanggap nilang election returns, hindi sila makapag-download ng data para sa processing, na itinuturing na ‘serious concern.’
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, ang lahat ng election returns na ipinapadala sa poll watchdogs at media organizations ay walang pinagkaiba mula sa natatanggap ng komisyon.
Dagdag pa ni Garcia, habang ang Comelec at poll watchdog ay hindi parehas ang ginagamit na transparency servers, mayroon itong nakalatag na safeguards para matiyak na ang election returns na ipinapadala sa transparency servers ay kaparehas sa election returns na natatanggap ng comelec.
Sinabi rin ng poll body official na malabong makapag-transmit ang lahat ng presinto ng kanilang election returns ngayong gabi, lalo na at hindi pa tapos ang botohan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.





