Umapela ang Commission on Elections (Comelec) sa mga political candidates na tatakbo sa 2025 Midterm Elections na huwag gamitin ang taunang Traslacion para sa kanilang pangangampanya.
Ang Traslacion, ay ang prusisyon ng imahen ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand hanggang Minor Basilica at National Shrine of Jesus Nazareno (Quiapo Church) sa Maynila, na inaasahang lalahukan ng anim na milyong debotong Katoliko ngayong taon.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, mahalagang mapanatili ang kasagraduhan ng naturang religious event, kung saan inaalala at binibigyang papuri si Hesus Nazareno.
Nagbabala si Garcia na ang ano mang pangangampanya sa naturang event ay maaaring paglabag sa election laws.
Pangamba ng poll body, na may ilang kandidato ang maaaring samantalahin ang religious procession para palakasin ang kanilang presensya at isulong ang kanilang kandidatura bago pa ang official campaign period.
Iginiit ng Comelec na kailangang ipakita ng mga pulitiko ang kanilang ethical behavior sa pamamagitan ng paggalang sa mga religious traditions at iwasan ang ano mang uri ng pangangampanya na maaaring makaapekto sa okasyon.
Sa ilalim ng election regulations, maaari lamang simulan ang pangangampanya kapag nagsimula ang election period.
Ang maagang pangangampanya lalo na sa major public events tulad ng Traslacion ay mahigpit na ipinagbabawal.






