Sinisilip ng Commission on Elections (Comelec) na simulan ang pag-imprenta ng official ballots para sa 2025 national and local elections (NLE) sa ikalawang linggo ng Disyembre.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, uumpisahan ng National Printing Office (NPO) ang pag-imprenta ng 73 million na balota na gagamitin sa midterm elections sa susunod na taon.
Pero nilinaw ni Garcia na hindi kasama rito ang balota para sa Bangsamoro Region.
Aniya, di sakop ng kontrata ng Miru System ang mga Bangsamoro ballots.
“Sa 73 million, di kasama ang Bangsamoro d’un sapagkat di kasama sa kontrata ng Miru System ang Bangsamoro ballots. Ang kasama lang ay sa national and local elections kaya separate na kontrata ang 3 million na para sa Bangsamoro,” sabi ni Garcia.
Ang Comelec, National Printing Office (NPO), at Miru ay lumagda sa isang tripartite agreement sa Intramuros, Maynila para sa provision ng printing services para sa official ballots para sa susunod na halalan.
Ang NPO ang nakatutok sa pag-imprenta ng balota, habang ang Miru ang magbibigay ng makina at papel para sa mga balota.
Nasa 500,000 balota ang target na maimprenta kada araw gamit ang 95 gsm paper. Ang mga balota ay ilalagay sa warehouse ng Comelec sa Biñan, Laguna.
Ang election paraphernalia ay sasailalim sa kustodiya ng treasury offices ng local government units (LGUs).
Para kay NPO Director Renato Acosta, makasaysayan ang pag-iimprenta ng balota dahil gagamit sila ng dalawang bagong makina para rito.
“The signing of the tripartite agreement will culminate the weeks, and even months of negotiations among the signing parties, still as part of our collective determining and deliberate efforts to ensure that we will have a safe, secure, and readily available ballots for next year’s elections,” sabi ni Acosta.





