Inilahad ni dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo sa Senate Executive Session ang isang crucial personality na nauugnay sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Nitong Martes, nagsagawa ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, nagsagawa ng executive session para mabigyan ng pagkakataon si Guo na mailahad ang detalye ng mga bagay na hindi niya kayang mailahad sa public hearing.
Iginiit ni Guo na hindi siya ang ‘mastermind’ sa POGO Operations sa Bamban, Tarlac kung saan siya nagsilbing alkalde, at iginiit na siya ay biktima lamang.
Ayon kay Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros, bagamat hindi pa siya satisfied sa mga pahayag ni Guo sa executive session, binanggit ng dating alkalde ang isang personalidad.
“Hindi pa rin ako masyadong satisfied sa mga pahayag sa Executive Session, bagama’t there was one crucial personality confirmed by Guo Hua Ping,” sabi ni Hontiveros.
Sinabi naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na sinabi ni Guo sa executive session ang detalye ng naturang indibiduwal na isinulat ni Guo sa pepel matapos tanunin sa naunang pagdinig na tukuyin ang taong tumulong sa kanyang makatakas sa Pilipinas.
Umaasa naman si Senator JV Ejercito na maraming impormasyon ang makuha kay Guo sa mga susunod na executive session. Naniniwala siya na hindi si Alice Guo ang nasa likod ng mga POGO kundi isang international crime syndicate.
Gayumpaman, hindi inaalis ni Ejercito ang posibilidad na isang agent ng China is Guo dahil sa pag-iwas nito sa mga katanungan sa pagdinig.
Kaugnay nito, sinabi ni Hontiveros na nais nilang pakinggan ang panig ng Philippine National Police (PNP) officers, kabilang ang isang dating hepe na kasama sa mga litrato kasama ang Chinese businessman na si Tony Yang – ang kapatid ni Michael Yang, ang economic adviser noong Duterte administration.
Ang tinutukoy ni Hontiveros na dating hepe ay si Police General Benjamin Acorda Jr. na kasama sa mga litrato ni Yang noong siya pa ay Regional Director ng PNP Region 10.
Naniniwala si Hontiveros na si Tony Yang ay pangunahing personalidad sa POGO hub sa Bamban na nauugnay kay Guo.
Falsification at use of aliases, posibleng ireklamo vs. Tony Yang
Sinisilip ng pamahalaan ang paghahain ng reklamo laban kay Tony Yang na falsification at useof illegal alias.
Si Yang na kilala bilang Yang Jian Xim at Antonio Lim, inamin sa Senate panel na isa siyang Chinese na pinanganak sa China. Tinulungan umano siya ng kanyang lolo na makakuha ng Philippine birth certificate para makapagtayo ng negosyo sa bansa.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Undersecretary Nicky Ty, ang National Bureau of Investigation (NBI) at prosecutors ay sinisilip ang paghahain ng reklamo laban kay Yang para mapigilan siya mula sa deportation.
“Para hindi na siya ma-deport. Para may dahilan na siyang maiwan sa Pilipinas at harapin ‘yung mga kasong kriminal,” sabi ni Ty.
Naniniwala sila na target ni Yang na makaalis ng bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Bureau of Immigration (BI) Spokesperson Dana Sandoval na kasalukuyang nasa kustodiya ng Presidential Anti-Corruption Commission (PAOCC) si Yang at may nakabinbin siyang deportation case dahil sa misrepresentation at undesirability.




