Muling bumuo ng Quick Response Team (QRT) ang Department of Agriculture (DA) Bicol para masigurong hindi umano makakapasok sa Rehiyong Bikol ang Q-Fever na umaatake ngayon sa ruminant animals.
Ayon kay DA Bicol Spokesperson Lovella Guarin, mas mahigpit na quarantine protocols sa mga checkpoint ang kasalukuyang ipinapatupad ng kanilang ahensya.
Aniya, nananatiling zero case ang Bicol sa naturang sakit subalit maigi pa ring higpitan maging ng mga lokal o probinsyal na pamahalaan ang pagpapasok sa mga hayop tulad ng kambing, kalabaw, kabayo at baka lalo na yaong mula sa Marinduque at Pampanga kung saan una nang may naitalang kaso nito.
Ilan sa mga palatandaan ng Q Fever ay ang pamamaga ng uterus, pagkalaglag ng mga pinagbubuntis na hayop, kawalan ng gana sa pagkain, pananamlay at iba pa.






