Inihayag ng Department of Agriculture na patuloy ang kanilang ginagawang hakbang para makamit ang P20.00 kada kilong presyo ng bigas sa bansa na pangako ni Pangulong Bongbong Marcos Jr,.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., halos kada linggo ay tinatalakay ng kanilang ahensya ang mga paraan upang maging 20 pesos ang kilo ng bigas.
Matatandaang isa sa mga pangako ng pangulo sa pagtakbo nitong 2022 Elections ang 20 pesos na kilo ng bigas.
Ayon kay Laurel, sinimulan na ng ahensya ang initial target na 29 pesos kada kilo ng bigas sa mga Kadiwa outlet para sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), solo parents, senior citizens at persons with disabilities (PWDS).
Dagdag pa niya, kailangan umano ng whole-of-DA, whole-of-nation approach para maipagpatuloy ito at makamit ang murang presyo ng bigas.
Mula sa binhi, postharvest, pataba at pag-aani ng palay, kailangan umanong pag-isipan at pagplanuhan ito.
Nakapokus din ang ahensya sa recovery rate ng palay sa 67 percent mula sa 55 percent.
“We need to increase the production from six to seven percent (per hectare) or hopefully eight percent, and we will be able to bring down the prices, we can achieve this (P20 per kilo of rice),” ani Laurel.
Sa ngayon, ang bureaucracy ang nakikitang problema ng ahensya para makamit ito.
“We are trying our best. The problem with the government is the bureaucracy in the bidding. I am tackling this as it is the biggest issue today. Funding was given for this year until next year and hopefully this will continue until 2026, 2027. We will be able to receive enough funding to construct all the necessary infrastructure,” ani Laurel.
Pumapalo sa 50 pesos hanggang 65 pesos ang kilo ng bigas sa bansa.
Bunsod umano ito ng pagtaas ng presyo ng palay dahil sa geopolitical tensions at problema sa suplay lalo na noong panahon ng El Niño.
Nais umano ng DA na ipasa ng kongreso ang Rice Tariffication Law (RTL) o Republic Act 11203 na malapit ng ma-expire para maipagpatuloy nila ang asistensya sa mga magsasaka lalo na ng bigas.






