SORSOGON – Umabot sa higit 1,000 residente mula sa bayan ng Bulan, Sorsogon ang nabigyan ng libreng serbisyo ng Tarabangan Caravan ng Ako Bicol Partylist nitong Abril 18, 2024 sa Bulan Gymnasium sa Barangay Sta. Remedios, Bulan, Sorsogon.
Bukod sa medical assistance, may dental mission, local recruitment activity, libreng gupit at libreng masahe rin sa aktibidad.
Ayon kay Ako Bicol Partylist Congressman Attorney Jil Bongalon at Congressman Elizaldy Co, tinupad nila ang hiling ni Bulan, Sorsogon Mayor Romeo Gordola na maidala sa kanilang bayan ang Tarabangan Caravan.
Ikinagagalak ng dalawang kongresista na makapagbigay ng libreng serbisyo lalo na sa mga residenteng hirap sa buhay.
Nagpapasalamat naman si Mayor Gordola na tinupad ng partido ang kaniyang kahilingan. Ayon sa opisyal, nangunguna ang kanilang bayan sa may pinakamaraming populasyon sa kanilang probinsya kung saan marami rin ang nasa laylayan kaya malaking tulong umano sa kanila ang caravan.
Samantala, naging matagumpay ang Tarabangan Caravan sa pakikipagtulungan sa partido ng Tanchuling Hospital, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Navy, LGU Bulan, Sunwest, TESDA, Evegate, at iba pang stakeholders and partners.






